Nagkalat na yata ngayon sa balita na marami nang napapahamak dahil sa pakikipagtagpo sa mga taong nakikilala sa peysbuk. Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit may mga taong gumagawa nito. Bakit ba sila nakikipagtagpo sa mga estranghero? At bakit may mga taong ginagamit ang peysbuk para gumawa ng masama?
Bigla ko tuloy naisip yung mga “prends” ko sa peysbuk na hindi ko kilala sa totoong buhay. Samakatuwid, estranghero. Bakit ako nag-add ng estranghero? Lilinawin ko lang, hindi ako nakikipagparamihan ng prends gamit ang peysbuk. At wala nama akong balak na gawan sila ng masama. May dahilan ako kung bakit ko sila ni-add. At sasabihin ko na dalawa lang sila, sana nga tatlo kaya lang naduwag ako dun sa isa. Hehe.
Itong dalawang estranghero ay karas ko po kaya ko po ni-add. Madali kasing magka-ideya kung sino yung tao sa pamamagitan ng peysbuk. Pinaganda ko lang pero pwede mong tawaging “online stalking” itong ginagawa ko. Malalaman mo kung sino yung tao, anong grup op prends ang kinabibilangan niya, anong mga hilig niya, anong peyborit past time niya at marami pang iba lalo na kung in a relationship siya.
Masaya naman kasi sa tuwing may malalaman kang bago sa karas mo ay lubos mong ikaliligaya. Parang hachivment. Natuwa naman ako sa bawat pag-update ng status at pagpost ng pektyurs nila.
Pero noong nakaraang linggo, kasabay ng pagiging online ko sa peysbuk, pag download ng mga kanta, at pagtingin sa blog kong inaamag na, dineaktibeyt ko na yung pesbuk account ko. Natuwa naman ako kasi hindi na ako kasing aktib online kaya medyo wala nang sense magpeysbuk para sa kin. Pagbukas ko kasi e hindi na ko maka-relate. Parang andami kong na-miss.
May isa lang problema. Ngayon ko lang naisip na kasabay ng pagkawala ko sa mundo ng peysbuk e pinutol ko na rin yung tangging linyang nag-uugnay sa kin at sa natatangi kong karas—ang peysbuk. Wala na. Hindi na nga kami magkakilala sa totoong buhay, hindi kami teksmeyt o mag phonepal, hindi pa kami prends sa peysbuk. Wala na. Hindi na talaga kami magkakilala. Ngayon ko lang naisip. Balik na naman ako sa panakaw na pagsulyap tuwing linggo. Isang beses na lang sa isang linggo ako kikiligin.
Sa kabila nito, mananatili na muna siguro akong multo sa peysbuk hanggang sa magpakabit na ng hinternet sa bahay namin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento