Nung isang araw, may nakapasok na malaking daga sa loob ng bahay namin. At kapag sinabi kong malaki e hindi kasing laki nung dagang costa na tinitinda ni manong, kundi kasinglaki nung dagang kanal. Kadiri di ba? Pero hindi naman siya galing sa kanal, magkasinglaki lang sila.
Kasi nasaktuhan nung daga na magbubukas ng pintuan yung kapatid ko. Pagbukas ng pinto, nagulat yung kapatid ko, nagulat din yung daga. Sa sobrang gulat ng kapatid ko, hindi niya agad naisara yung pinto. Sa sobrang gulat nung daga, pumasok siya dun sa pinto, dun sa loob ng bahay namin.
Maliksi yung daga. Mabilis. Tanga. Hindi siya katulad nung naunang daga na nakapasok sa bahay namin na tumahimik lang ako at pinatay lahat ng ilaw, kunwari walang tao, walang ingay, sabay lagay ng tungkod para manatiling nakabukas yung pinto, e lumabas na yung daga. Itong daga ngayon e maligalig at hindi matalino. Ni hindi niya alam kung san siya pumasok kasi nung isang beses e dun siya nagtangkang lumabas sa isa pa naming pinto. At malala pa, binuksan na nung tatay ko yung pinto e hindi pa lumabas yung daga, bumalik pa sa loob ng bahay.
Mga dalawang araw din napuyat yung tatay at nanay ko sa paghahanap dun sa daga, at pakikipaghabulan. Hanggang sa napagtanto na lang ng tatay ko na nakalabas na yung daga dahil sinira nito yung pintuan namin. Gumawa siya ng medyo malaking butas para dun lumusot at itigil na ang pakikipaghabulan sa nanay at tatay ko.
Lahat tayo ay parang daga na takot sa tao. Yung mga taong tinutukoy ko dito ay yung mga kinatatakutan natin—rejection, failure, daga, dilim, boy siga, biyanan, nanay, tatay,—lahat na ng kinakatakutan nga tao. Pag takot tayo, kung san san tayo napupunta, maligalig, walang direksyon, wala sa wisyo. Kasi alam natin na nasa teritoryo tayo nung kinakatakutan natin. Wala tayong magawa kundi magpakain sa takot o kaya sumunod na lang dahil takot tayo dun sa tao.
Pero bakit yung daga, matalino man o hindi, nakalabas dun sa bahay, sa kinatatakutan niya. Nakaya niyang lagpasan yung kinatatakutan niya, nakayanan niyang umalis dun. Partida yun, daga. E tayo, tao, human being. Bakit masyado tayong nagpapakain sa takot. Masyado tayong mahina kumpara sa takot na nararamdaman natin. E kung tutuusin, tayo lang naman din yung gumawa nung takot na yun. Bakit kaya hindi rin tayo ang gumawa ng paraan para malagpasan yung takot na ginawa natin?
Siguro hindi naman kaagad agad yung paglagpas dun sa takot.Tipong instant Kasi yung daga, nag ipon din ng lakas ng loob at strategy kung pano siya makakalabas sa bahay. Yung naunang daga naman, simple lang. Kung san siya pumasok, dun din siya lumabas. Simple. Wala nang habulan. Walang siraan ng gamit. Bakit hindi natin isipin kung bakit nga ba tayo takot. San ba yun nagsimula. Baka naman pwedeng pag isipan tapos makita na hindi pala dapat katakutan yung kinatatakutan natin.
Sabi nga dun sa napanood ko na ambulance girl (medyo boring pero pwede nang pagtiyagaan), “Fear is like a hologram. When you go beyond it, you’ll realize it’s just an illusion.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento