dahil araw ng mga puso ngayon, makikisabay ulit ako sa agos. pero dahil wala naman akong ka-relasyon, ating tuklasin kung anu-ano na nga ba ang natutunan ko pagdating sa pag-ibig.
unang-una, never ever assume. ito ay para sa lahat--babae man o lalake. kasi kapag may nararamdaman tayo para sa isang tao, pakiramdam natin lahat ng ginagawa niya, para sa'tin. e hindi naman. mas maganda siguro kung tutubuan ka ng lakas ng loob para ikumpirma kung tama ang hinala mo. kung sa paanong paraan, ikaw na dumiskarte nun. mas maganda na kasi yung alam mo kung tama ka o mali kesa wala ka talagang alam at nabubuhay ka na lang sa pantasya.
ikalawa, dalawa lang naman ang pagpipilian mo sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pag-ibig...ang maghintay o ang kumilos. iyon lang naman lagi. akala mo madali dahil dalawa lang naman ang pagpipilian. kung naniniwala ka na kusang darating ang pag-ibig, yung the one, sa takdang panahon, maaaring tama ka o tutubuan ka na ng puting buhok e single ka pa rin. paano kung naghihintay ka nga pero nakakulong ka naman sa isang kwarto at hindi lumalabas man lang? walang makakapansin sa'yo. kung naghihintay ka, e makipagkaibigan man lang at lumabas sa "outside world." makiparty. makipagkilala. makipagkaibigan.
kung pipiliin mo namang kumilos. alam mo na dapat kung ano ang magiging kasunod ng mga gagawin mo. alam mo dapat ang tamang tiempo kung kailan dapat gawin at kung ano ang dapat sabihin. kapag kumilos ka na, kapag nasabi mo na, wala nang urungan. tatsmub na pre. di mo na mababawi na inamin mong mahal mo siya. dalawa lang naman ang maaaring kalabasan. isa e basted ka at mukha kang tanga, o ikaliligaya ng puso niyong dalawa. sabi ko nga, nasa tamang oras at salita lang yan.
madalas, sasabihin ng mga kaibigan ko na ako na ang kumilos. pero nakakasawa na kasi na ikaw yung laging kumikilos tapos ikaw pa yung babae. kaya nga natutunan ko na wag mag-assume.kasi maraming pagkakaiba ang mga babae sa lalake. iba ang signals at iba ang interpretasyon sa mga signal na ito. akala mo nakakapag-pakyut ka na, hindi naman pala. mga ganung tipo.
pero sabi nga sa nabasa ko, love is a decision. unang una pa lang, iisipin mo na kung handa ka na bang umibig, masaktan. pipiliin mong maging duwag, maghintay, o maging matapang. pipiliin mo kung sino, kung kanino mo ipagkakatiwala yang puso mo.
sa ngayon, nakapagdesisyon na ko. ang tanggalin muna ang konseptong ito. na wag muna maghanap. na maghintay na lang muna. na isantabi muna ang love. kasi habang naghihintay, pinapabuti ko muna yung sarili ko. uunahin ko muna yung mga bagay na MAS kailangan ng atensyon ko. kung may makapansin man sa kin, nasa kanya na yun kung kakatok siya o tutunganga lang sa pinto. at nasa akin na yun kung pagbubuksan ko siya, o mag-aayos muna, o magtutulog-tulugan na lang at magkukunwaring walang tao.
ikaw.nakapagdesisyon ka na ba?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento